kalayaan sa kaalaman

Ilang ulit na nating narinig ang kataga ni Gat Jose Rizal na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Matapos ang mahigit isang-daang taon ay lugmok pa rin ang bayan at ang pag-asa nito.

Malayo ang mararating ng ating bayan kung ang ating kabataan lamang ay mamumulat sa katotohanan ng ating lipunan, at matutunan sa murang kaisipan ang kahalagahan ng kanilang pagiging mamamayan at ang kahulugan ng pagsisilbi sa bayan. Kung naisasapuso lamang nila ang ito, malayo ang mararating ng ating lahi at lipunan.

Ngunit hindi ito ang kasalukuyang pangyayari sa ating bayan. Nag-aaral ang mga kabataan hindi para mamulat, kundi para ipalago pang muli ang dati nang kaalaman at kaisipan. Ang mga kurikulum sa paaralan, pati na rin ang ideolohiyang pinapalaganap sa mga institusyong tulad ng pamilya, simbahan, at midya, ay hindi nababago at nasasara lamang sa lumang mapagpaniil na kaisipang kolonyal. Iikot lamang ang mga henerasyon at hindi ito magbabago hangga’t tayo’y hindi gumagawa ng paraan. At nangangailangan magsimula tayo ng bagong pananaw at paraan ngayon pa lamang.

Pagbabasa, pagsusulat, at pagbibilang. Mga layunin ng ating edukasyon ngayon. Mula sa mababa hanggang sa mataas na paaralan, iniukit sa ating isip na ang ating pag-aaral ay para matutunan ang pag-inog ng mundong ating ginagalawan. Pag tapak ng kolehiyo tayo’y nag-aaral para makapagtrabaho. Ganito na lamang ba ang layunin natin, na maghanap-buhay lamang, o maging tunay na taong-yaman?

Ang taong-yaman ay mulat sa katotohanan ng lipunan, bukas ang kanyang isipan sa pagkagustong gumawa ng mabuti para sa bayan. Matindi ang kanyang pagkilala ng kanyang sariling lahi, at hindi siya nagpapatapak ng dayuhan sa kanyang katauhan at kasaysaysan.

Kailangang mamulat tayo na ang mga layunin natin sa kaalaman at masyadong lantay at hindi maaaring makapagbukas ng isip at diwa ng kabataan at ng bayan. Hindi dapat nasasarado lamang ang edukasyon sa pamomroblema kung paano at ano ang ituturo sa kabataan. Ika nga, kung nailapat natin ang tamang layunin, mas madali na ang magmapa ng paraang makarating doon.

Ang dapat na itanong natin ngayon ay kung ano ang nakikita nating pagbabago sa lipunan sa pagtatapos ng kabataan sa kanilang edukasyon at ano ang gampanin ng kabataan sa pagbabangong-dangal ng lipunan.

Ibahagi natin sa mga kabataan ang kalidad ng edukasyong nararapat sa kanila. Iwasto natin ang mga pagkukulang sa kanilang pag-aaral. Ilapit natin sa kanila ang edukasyon, kung saan abot-kamay nila ang pag-asa ng kinabukasan. Hindi lamang ang mga guro, kundi pati na rin ang mga magulang ay dapat makibahagi sa edukasyon kung sila rin naman ay makikinabang sa kinabukasan. Baguhin natin ang ating pananaw sa edukasyon, dahil hindi ito ginagamit lang sa pag-aaral tungkol sa ingles, sa agham, at sa matematika, kundi lalo na tungkol sa kasaysayan at sa pagkamamamayang Filipino.

Hindi nagwawakas ang edukasyon sa pagtatapos ng mag-aaral, datapwa’t sila pa nga’y dapat maghangad na matutunan pa ang kailangan nila upang maging maunlad ang ating bayan, ang ating lipunan, at ang ating lahi.

0 Comments:

Search the Web

Custom Search

From Time.com

Plurk!